|
2008
|
Magtungo sa http://www.komfil.gov.ph/ang opisyal na website ng Komisyon sa Wikang Filipino para sa mga pinakahuling balita |
GAWAD KOMISYON 2008
TUNTUNIN.pdf
Timpalak sa Gawad Surian Gantimpalang Collantes, Extended ang Deadline haggang Agosto 15
Pagpapahalaga sa Wika at Pamanang Pangkultura ng Pangasinan
Pinagtibay sa isang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang Provincial Resolution No. 195-2008 na iniakda ni Kgg. Nestor D. Reyes, miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan noong Marso 10, 2008.
Ang tinutukoy na resolusyon ay nagtatakda ng pagtatatag ng isang Ad Hoc Committee na magsasagawa ng pananaliksik, magrerekomenda at magpapasimula ng gawain sa pagtatayo ng isang Sentro sa Wika at Pamanang Pangkultura ng Pangasinan, ng isang museong Pangasinan at ang pagsasagawa ng mga klaseng eksperimental gamit ang wikang Pangasinan bilang midyum ng pagtuturo sa antas elementarya at ang paglalaan ng pondong nagkakahalaga ng ISANG MILYONG PISO (Php 1,000,000,000) para sa nabanggit na layunin.
Kung matatandaan, noong Nobyembre 2007, sa susing talumpating binigkas ni Bise-Gobernador ng Pangasinan, Marlyn Primicias Agabas sa kumperensyang may pamagat na “Muling Pagpapasigla ng wika at Pamanang Pangkultura ng Pangasinan” ay nabanggit niya na ang Sangguniang Panlalawigan ay may inihahanda noong isang resolusyon para gamitin ang wikang Pangasinan bilang midyum ng pagtuturo.
Isang malaking hamon para sa mga Pangasinense ang pagkakapagtibay ng Provincial Resolution 195-2008 upang mapasiglang muli ang pansamantalang nanamlay na pagpapahalaga sa wika at pamanang pangkultura ng lalawigan.
Naniniwala si Kgg. Nestor Reyes at sampu ng kanyang mga kasama sa Sangguniang Panlalawigan na ang paggamit sa wikang Pangasinan bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralang sakop ng kanilang lalawigan ay isang malaking bentahe para sa kanilang mga mag-aaral. Malaon nang napatunayan sa mga pag-aaral na ang mga bata ay mas madaling natututo kung ang gamit ay ang kanilang lingua franca o katutubong wika bilang midyum ng pagtuturo kaysa paggamit ng pangalawang wika. Ang paggamit ng wikang Pangasinan bilang midyum ng pagtuturo ay magpapalawak sa gamit nito at hahadlang sa patuloy na pagtamlay nito bilang wika.
Ito ang tema ng isang buwang pagdiriwang ng Wikang Pambansa 2008. Muling pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang naturang taunang pagdiriwang na umaalinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041.
Kaugnay nito, muling bubuksan ang timpalak sa Gawad Komisyon sa Sanaysay-Gantimpalang Collantes na nasa wikang Filipino. Kasabay nito, bubuksan din ang Gawad Komisyon 2008. Ito ay timpalak sa pagsulat sa tula, maikling kuwento at/o sanaysay sa sampung (10) pangunahing wika: Ilokano, Sebwano, Tagalog, Bikol, Hiligaynon, Samar-Leyte, Pangasinan, Kapampangan, Meranaw. Ilan sa mga tampok na gawain kaugnay ng isang buwang pagdiriwang ay ang mga sumusunod:
Agosto 1, 2008 Pambukas na Palatuntunan
Agosto 14, 2008 Araw ng Komisyon sa Wikang Filipino
Agosto 19, 2008 Parangal sa Ama ng Wikang Pambansa
Agosto 31, 2008 Pangwakas na Palatuntunan
Kaugnay pa rin ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ay may mga gawaing idaraos sa iba’t ibang rehiyon na pangungunahan naman ng mga Pangungunahan naman ng mga Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino na nakabase sa mga pang-estadong unibersidad sa bansa.
Iniharap kamakailan ni Senador Manuel ‘Mar’ Roxas II ang panukalang batas (S.B. No.2294) sa Unang Regular na Sesyon sa Mataas na Kapulungan ng Ika-14 na Kongreso ng Republika ng Pilipinas.
Itinatadhana ng panukalang batas na ito, bukod sa iba pa, ang pagtatatag ng 12 taong sistema ng batayang edukasyon bilang pagkilala sa pandaigdigang pamantayan; pamumuhunan sa pagsasapanahon, pagsasanay at espesyalisasyon ng mga guro upang matiyak ang kalidad ng pagtuturo sa bansa; at pagsasa-institusyon ng paggamit ng kinagisnang wika bilang midyum ng pagtuturo para sa mga batang mag-aaral sa antas elementarya.
Ang S.B. No. 2294 na ito ay makikilala bilang Omnibus Education Reform Act of 2008 na nag-aatas ng pagtatamo ng isang Globally Competitive Education Outcomes, nagpapatibay ng isang programa sa reporma sa Edukasyong Omnibus, nakikiisa para sa layuning iyon ang mga bahaging estratehiko ng gayong programa, naglalaan ng mga pondo para dito at para sa iba pang mga layunin.
Sa naturang panukalang batas, partikular sa Seksiyon 5 ng Kabanata 2 ng programa sa mga bahaging estratehiko sa reporma sa edukasyon ay itinatakda na ang kinagisnang wika o unang wika ng bata ay gagamiting midyum ng pagtuturo sa lahat ng asignatura para sa mga batang mag-aaral mula sa una hanggang ikatlong baitang sa elementarya. Ang Filipino at Ingles ay ituturo bilang magkahiwalay na asignatura.
Ginanap sa Jose Basa Hall Auditorium sa DLSU Dasmarinas ang seminar workshop sa ponetika, ponolohiya, ortograpiya at morposintaksis ng mga wika sa Pilipinas nitong nakaraan Mayo 19 hanggang 28¸2008. Dinaluhan ito ng mga guro mula sa iba’t ibang paaralan sa Cavite, Quezon at Batangas.
Magkakatuwang na itinaguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino, Pamantasang De La Salle-Dasmarinas at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining ang naturang seminar workshop. Inaasahang makatutugon ito sa makabago at napapanahong pananaliksik sa larangan ng lingguwistika, gayon din sa pangangailangan sa paghahanda ng gramatika ng mga wika sa Pilipinas.
Layunin ng pagsasanay o kursong ito na: Mabigyan ang mga mag-aaral ng pinakahuling kaalaman tungkol sa ponetika, ponolohiya, ortograpiya at morposintaksis ng mga wikang Pilipino (mga wika sa Pilipinas) at sa pormal at punsyonal na motibasyon para dito; Mapahalagahan ng mga mag-aaral kung paano nagkakapareho at nagkakaiba ang mga wikang Pilipino sa magkakaibang aspekto ng kanilang gramatika; Sanayin ang mga mag-aaral sa pormal at punsyonal na pagsusuri ng mga wikang Pilipino; Linangin ang kakayahan nila na gumawa ng sariling pananaliksik; at higit silang maging handa sa pagtuturo ng Filipino at ng ibang mga wika ng Pilipinas.
Naging mga instruktor/lektyurer sa seminar workshop na ito sina; Dr. Ricardo Ma. Duran Nolasco, Tagapangulong Komisyoner, KWF; Prof. Mark Felix Santiago, UP Diliman; at Dr. Elizabeth A. Calinawagan, UP Baguio.
Sa isang maikling programa sa araw ng pagtatapos ay pinasalamatan ni Dr. Nolasco sina Dr. Emmanuel F. Calairo at Dr. Myrna A. Torreliza ng DLSU-Dasmarinas, direktor at koordineytor ng naturang proyekto ayon sa pagkakasunod.
Kaugnay ng proyektong First Language Component (FLC), nagtaguyod ang Summer Institute of Linguistic sa pangunguna ni Gng. Dianne Dekker at pakikipagtulungan ng KWF ng isang pagsasanay sa mga guro sa paghahanda ng mga materyales sa pagtuturo noong Mayo 7-20, 2008.
Dinaluhan ito ng mga guro sa Lubuagan Central School at iba pang paaralan sa lalawigan ng Kalinga, mga translator buhat sa Bolinao, mga kinatawan ng DepED, Isabela State Univesity at KWF. Kabilang sa mga paksang tinalakay ay Philosopy/Overview of MLE, Curriculum Development Based on Cultural and PELCs, Cognitive Theories of Bilingualism, Second Language Acquisition at ilan pa.
Tampok din sa pagsasanay ang paghahanda ng “big books” at “small books.” Nagtakda ng mga paksa tungkol sa Creative Writing, Selecting Key Words, Language Experience Demo upang makatulong sa mga guro sa paglikha ng mga aklat. Ang bawat paksa ay may aplikasyon at pakitang-turo.
Dumalo sa rin pagsasanay ang tagapangulo ng KWF na nagbigay panayam sa ilang mahahalagang isyu sa Multilingual Education at ang suportang nakakalap buhat sa mga mambabatas upang pursigihin ang layuning ito.
Si Atty. Magtanggol Gunigundo I, Kongresman ng Ikalawang Distrito ng Lungsod ng Valenzuela, ang Susing Tagapagsalita sa katatapos na palatuntunan kaugnay ng pagdiriwang ng ‘Araw ni Balagtas’ na ginanap sa Cherry Blossoms Hotel, Ermita, Maynila noong Abril 2, 2008.
Ang talumpati ni Gunigundo ay umikot sa paksa ng pagdiriwang na may pamagat na “Si Francisco ‘Balagtas’ Baltazar sa Pandaigdigang Taon ng mga Wika.” Pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang pagdiriwang ng ‘Araw ni Balagtas’ na taunang itinataguyod ng KWF bilang pag-alinsunod sa Proklamasyon Blg. 964 s. 1997.
Tampok na bahagi ng palatuntunan ang pagkakaloob ng gantimpala sa mga nagsipagwagi sa timpalak sa TALAANG GINTO: GAWAD SURIAN SA TULA-GANTIMPALANG COLLANTES. Itinanghal na ‘Makata ng Taon 2008’ si Prof. Reuel M. Aguila, guro sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng UP Diliman. Samantala, pinagkalooban ng Gawad ng Pagkilala si G. Medardo Dela Fuente ng Lungsod ng Makati.
Sinungkit ni Reuel M. Aguila, guro sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas UP Diliman, ang Unang Gantimpala at titulong Makata ng Taon 2008 sa katatapos na timpalak sa Talaang Ginto para sa kaniyang tulang may pamagat na Haibun sa Pagbabalik.
Pumangalawa si Eros S. Atalia, propesor sa Pamantasan ng Santo Tomas, sa lahok nito na Remedyo habang pumangatlo naman si Jerry B. Gracio na naging Makata ng Taon noong 2004 na sumulat ng Binyeta sa Biyahe.
Nagwagi ng karangalang-banggit sina Richel G. Dorotan, Pagsigaw sa Pampang ng Ilog; Ariel S. Tabag, Littugaw at Francisco A. Montesena, Kung Nandito ka Lang.
Tinanggap ng mga nagsipagwagi ang kani-kanilang tropeo, plake at gantimpalang salapi sa palatuntunan ng Araw ni Balagtas na ginanap noong Abril 2 sa Cherry Blossoms Hotel, Ermita, Maynila
Ang Lupon ng Inampalan ay pinangunahan ng tagapangulo nito na si Dr. Cirilo F. Bautista at mga kagawad na sina Jesus Manuel Santiago at Tomas F. Agulto. Samantalang ang nangasiwang Lupon sa Timpalak sa Talaang Ginto ay binubuo ng tagapangulo nito na sina Minda Blanca Laraya at Nora Bangalan-Rifareal kasama ang mga tauhan ng Sangay ng Pagsasalingwika at Sangay ng Ibang mga Wika at Literatura ng Pilipinas bilang mga kagawad.
Sa isang lokal na paboksing ay minsang naanyayahang umawit ng Lupang Hinirang ang isang sikat na kabataang mang-aawit. Ito ay nangyari noong nakaraang taon lamang.
Masigla at madamdamin ang naging pag-awit ng celebrity singer mula sa unang nota hanggang sa huli. Pagkatapos nitong umawit ay mainit din siyang sinalubong ng palakpakan ng mga naroong apisyonado ng boksing. Subalit may kung anong kakatwang ugong ng bulungan ang namayani ng mga sandaling iyon. Pati ang ring announcer ay hindi naitago ang kakaibang ngiti nito na tila hindi nakaila sa kaniya at sa mga naroong manonood na sadyang may nakaligtaang linya ang panauhin nilang mang-aawit.
Tunay nga, mula sa ika-17 linya ng Lupang Hinirang na “…Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta,” ay tumalon ng dalawang linya ang mang-aawit at agad na nagtuloy sa huling linya na “…Ang mamatay ng dahil sa iyo.” (tingnan ang p. 12 ng Katipunan ng mga Batas [unang aklat] , isa sa mga limbag na aklat ng KWF)
Pinatibay lamang ng pangyayaring iyon ang kasabihang “Mas malakas ang bulong kaysa sigaw.” Alam na ng mga taong naroon sa boxing arena na may sumablay pero hindi na kailangang isigaw pa iyon.
Lumabas sa telebisyon ng gabing iyon ang panayam sa naturang kabataang mang-aawit at sa harap ng TV camera ay humingi ito ng halos hindi matapos-tapos na paumanhin. Hiyang-hiya tungkol sa nangyari.
Bago pa ito, nasaksihan na natin sa isang delayed boxing telecast ang napiling umawit ng Lupang Hinirang sa isa sa mga laban noon ni Manny Pacquiao sa labas ng bansa. Mataas ang tono subalit buo ang tinig nito. At kung kailan halos patapos na siyang umawit, sa huling birit nito sa nalalabing huling linya ay biglang kinapos ito ng hangin at pumiyak.
Kung tutuusin ay hindi mangyayaring sumabit sa tono ang naturang mang-aawit kung ang tono nito ay isinunod lamang ayon sa pagkakalapat ng musika at komposisyon ni Julian Felipe, gaya ng isinasaad ng Batas Republika Blg. 8491, Sek. 37, Kab. II.
Tunay na mapalad tayo sa pagkakaroon ng napakaraming magagaling na mang-aawit at kompositor sa bansa. Subalit kung magiging maluwag tayo at hahayaan natin ang ating mga mang-aawit na dumiskarte kung paano nila aawitin ang ating Pambansang Awit ay patuloy nating ipagkakaiat sa sambayanang Pilipino kung paano nga ba ito dapat awitin.
Yaon bang pag-awit ng Lupang Hinirang ng ating mga mag-aaral sa elementarya at haiskul at sa mga tanggapan ng pamahalaan sa pagtataas ng watawat tuwing Lunes ng umaga ay umaayon ba sa tono at himig ng musika ni Julian Felipe? Sa ganito bang tono at himig dapat awitin ang ating Pambansang Awit?
Kailangan pa bang may muling sumablay sa pag-awit ng ating Pambansang Awit? Hihintayin pa ba natin iyon bago tuluyang kumilos? Marahil, kailangan na ngang umaksiyon ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan (NHI) -- ang ahensiya ng pamahalaan na may tuwirang tungkulin at pananagutan sa pagpapaalala sa publiko ng umiiral na batas kung paano dapat awitin ang Pambansang Awit at ang pagpapatupad ng batas tungkol dito. Sa ganitong paraan lamang makatitiyak tayo na aawitin natin ang Pambansang Awit sa iisang himig na umaalinsunod sa pagkakalapat ng musika at komposisyon ni Julian Felipe.
Pinangunahan ng NCCA ang paglulunsad ng Pista ng mga sining sa Pilipinas 2008 na kilala rin bilang Pambansang Buwan ng mga Sining na idinaos sa Kalayaan Grounds, Palasyo ng Malacañang, Maynila noong Pebrero 4, 2008.
Sa pampasiglang mensahe ni Dr. Vilma Labrador, NCCA Acting chairperson, ay binigyan diin nito ang napakamakapangyarihang halimbawa kung paanong ang sining ay makapag-uugnay. At iyon diumano ay pinatunayan ng musika nina G. Gary Valenciano at ng grupong National Bilibid Prison College Guild na nauna ng nagtanghal ng kanilang bilang sa harap ng mga panauhin.
Inanyayahan ni Labrador ang mga naroong panauhin na bisitahin sila sa Intramuros (NCCA) upang makita ng mga ito ang bawat sulok doon na ginagamit nila para sa sining. Ito aniya ay upang turuan ang mga batang mag-aaral kung paanong bumasa, gumawa ng komposisyon at umawit. Ito ay may kaugnayan sa paksa ng pagdiriwang sa taong ito na ‘Ani ng Sining: Art in Public Spaces’.
Hinamon din ni Labrador ang mga dumalo sa okasyong iyon na makiisa sa kanilang ipinaglalaban na panawagan na Sining sa Edukasyon. Edukasyon para sa Lahat sa Pamamagitan ng Sining
Bukod sa mga pinuno at kawani ng pamahalaan at mga alagad ng sining, dinaluhan din ang naturang okasyon ng mga ambassador mula sa iba’t ibang bansa sa pangunguna ni Ambassador Kristie Kenney ng Estados Unidos.
Samantala, dinumog ng mga panauhin ang Museo ng Malacañang upang personal na makita ang pambukas na eksibit ng mga obra maestra ni G. Rafael Pacheco na nakilala sa kaniyang husay sa pagpipinta gamit lamang ang kaniyang mga daliri. Kasama rin sa eksibit ang mga naging ‘ani’ ng mga partisipant ng Kalahi Cultural Caregiving.
Ang kakayahan ng ating mga kabataan sa Ingles, Agham at Matematika - ang pangunahing mga asignatura na krusyal sa komunikasyon at kompetisyon - ay napinsala ng ating labis na pagkiling sa Ingles bilang midyum ng pagkatuto, kahit pa nga ang unang wika ay napatunayan nang pinakamainam na midyum ng pagkatuto sa buong mundo, batay sa mga pag-aaral ng UNESCO sa huling nakaraang dalawang dekada. Ito ay ayon mismo kay Senador Roxas, prinsipal na awtor ng panukalang batas (S.B. No. 2294).
“Malaki ang naging papel na ginampanan ng mga madre na kasapi ng konggregasyon ng Franciscan Missionary of Mary (FMM) sa buhay naming mga Ayta. Ang pagsisikap ng mga madreng ito ay siyang nagbukas ng daan sa amin upang matutong bumasa, sumulat at kumwenta at ito’y dahil sa ‘literacy program’ na ibinahagi ng FMM sa aming pamayanan.” Ito ang bungad na kuwento ni Chairman Carling Dumulot ng LAKAS na nagpaunlak ng isang panayam noong 2006 kaugnay ng proyekto ng KWF na ‘Isang Mapa ng mga Wika sa Pilipinas.’
Sang-ayon kay Dumulot, ang naturang konggregasyon din diumano ang umikayat at tumulong sa kanila na magtayo ng isang samahan para sa kagalingan ng mga Ayta ng Zambales. At hindi nga lumaon ay iniluwal ang samahang Lubos na Alyansa ng mga Katutubong Ayta ng Sambales o LAKAS. Dagdag pa niya sinisikap ng LAKAS na mapanatili ang tradisyon at kultura ng kanilang mga ninuno, Kaalinsabay ng kanilang pakikisalamuha sa mga taong unat sa kabayanan
Buong pagmamalaking ibinahagi ni Dumulot na ang lupaing may lawak na 7.5 ektarya na kasalukuyang kinatitirikan ng pamayanan ng LAKAS ay nabili ng samahan sa isang pribadong may-ari ng lupa. Ito ngayon ay tahanan ng 150 pamilya ng mga Ayta ng Botolan.
Isa diumano sa mga bisyon ng grupong LAKAS ay ang makapagpatapos ng edukadong mga Ayta para makapagturo sa kapuwa nila Ayta at sa iba pang grupo.
Ayon naman kay Celia Santiago, isang guro sa Ramon Magsaysay State University sa Iba, Zambales at isang boluntaryo ng LAKAS, pagsasaka ang karaniwang ikinabubuhay ng mga Ayta sa lugar na iyon. Idinagdag pa niya na mayroon ding bahagi sa sinasaka na kapag naibenta na, ang kabuuang halaga ng kinita matapos awasin ang pambayad sa amilyar at operating expenses ay inilalaan bilang pondo sa pag-aaral ng mga kabataang Ayta at hindi maaangkin ng kahit sinong miyembro ng pamunuan ng samahan. Kaya walang dahilan aniya, para hindi makapag-aral ang mga batang Ayta dahil bukod sa hatid at sundo na ang mga ito ay sinasagot pa rin ng LAKAS ang baon na pagkain sa eskuwela ng mga bata para sa tatlong araw sa loob ng isang linggo kaya dalawang araw na lamang ang sasagutin ng mga magulang para sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Kaya dugtong pa ni Gng. Santiago na tamad at walang pangarap na lamang diumano ang bata kung ayaw pang mag-aral.
Ang wikang Sambal Botolan ay kabilang sa isa sa mahigit na 136 na wika na nasaliksik at nabigyan na ng deskripsyon kaugnay ng proyektong 'Isang Mapa ng mga Wika sa Pilipinas.' Ang naturang wika ay may halimbawang pananalita mula kina Danny Dumlao, isang unat at Tubag Jugatan, isang Ayta, mga impormante sa wikang Sambal Botolan.
Mula 1963 hanggang 1998, marami-rami na ring bilang na isang (1) pahinang tula ang inilahok sa timpalak sa Talaang Ginto ang nakasungkit ng mga pangunahing gantimpala at karangalang-banggit. Nangangahulugan lamang ito na wala sa haba ng isang tula ang kasiguruhang manalo sa isang timpalak sa tula.
Maaaring may bentahe, kahit paano, ang isang mahabang tula subalit hindi ibig sabihin nito na laging ilalampaso ng isang mahabang tula ang isang maikling tula na kapwa inilahok sa isang patimpalak. Tandaan natin na ang haba ng isang lahok sa tula ay hindi isa sa mga pamantayan o sukatan ng pagpili ng magwawaging mga lahok. Hinuhusgahan ng mga hurado ang mga lahok ayon sa nilalaman, mensahe, kariktan, talinghaga at iba pang krayterya na inaakala nilang mga kailangang sangkap upang mapalutang ang mga lahok na nagtataglay ng ganitong mga katangian at sa gayo’y mapili ang mga karapat-dapat na magwagi.
Narito ang limang (5) lahok na may tig-isang pahinang tula na nagwagi ng unang gantimpala kung saan ang mga may-akda ng naturang tula ay itinanghal na Makata ng Taon sa kani-kanilang panahon: Maynila, Bievenido Ramos, 1963; Sampung Yungib sa Pastulan, Teo S. Baylen, 1964; Oedipus Rex: Siglo XX (Sa mga disipulo ni Sigmund Freud), Federico Licsi, Jr., 1966; Sa Pagdalaw ng Pangungulila, Jesus Manuel Santiago, 1978 at Gahasa, Ruth Elynia Mabanglo, 1992.
Narito ang walong (8) lahok na may tig-isang pahinang tula na nagwagi ng ikalawang gantimpala sa Talaang Ginto: Dalawang Tagpo, Benjamin Condino, 1964; Bangketa, Antonio S. Cabrera, 1966; Mga Huling Tala ng Isang Pagdalaw sa Loob ng isang Mueso, Virgilio S. Almario, 1967; Ang Tuwang Nagmaliw, Aniceto F. Silvestre, 1968; Tali sa Ilong, Cesario F. Torres, 1974; Sa Payapang Tubig, Cesario Y. Torres, 1975; Ang Pag-ibig ay Di Kasal, Ruth Elynia S. Mabanglo, 1978; Sentensiya Amnestiya, Joselito Condrillon Osabel, 1995.
Narito naman ang walong (8) lahok na may tig-isa ring pahinang tula na nagwagi ng ikatlong gantimpala: Tula ang Aking Daigdig, Moises Santiago, 1963; Alpha at Omega, Orlando Rodriguez, 1964; Buhat sa Kalamba, Pedro L. Ricarte, 1965; Bigo, Mar Al. Tiburcio, 1966; Tula, Galeny Topacio-Manalaysay, 1968; Komedya ng mga Langaw, Joe Lad Santos, 1979; Kanser, Omer Oscar Almenario, 1995; Kung Tanghaling-tapat at Tumatagaktak ang Hapis at Hinagpis sa Luneta, Rebecca T. Añonuevo, 1997.
Samantala, mahigit sa 77 mga lahok na may tig-isang pahinang tula ang nagwagi ng karangalang-banggit mula 1963 hanggang 1998.
Pagpasok ng taong 2000, nakahiligan na ng makatang Pilipino ang magsulat ng mahahabang tula. Kung may mangilan-ngilan na mga maikling tula na natatanggap ang opisina ang haba ng mga ito’y hindi bababa sa 3 hanggang 4 na pahina at hindi na rin pinapalad na magwagi.
Matagumpay ang idinaos na 1st Philippine Linguistic Institute sa Unibersidad ng Pilipinas na nagsimula noong Marso 31 at pormal na nagtapos noong Abril 11, 2008. Dinaluhan ito ng 79 na participant na mga guro, mananaliksik, estudyante, mga kinatawan buhat sa iba’t ibang sektor sa lipunan na galing pa sa ibang rehiyon ng Pilipinas at maging sa iba pang bansa.
Kabilang sa mga kurso at lektyurer ay ang sumusunod: Language Development and Multilingual Education, Dr. Catherine Young at Dr. Diane Dekker; Sociolinguistics, Dr. Maria Lourdes S. Bautista at Dr. Isabel P. Martin; Philippine Morphosyntax, Dr. Videa P. de Guzman at Dr. Resty Cena; Semantics & Lexicography for Philippine Languages, Dr. Leonard E. Newell, Dr. Rudolfo Barlaan at Prof. Allan Johnson; Historical Comparative Linguistics, Dr. Hsiu-chuan Liao, Research Methods in Applied Linguistics, Dr. Danilo T. Dayag, at Phonetics, Phonology & Orthography, Dr. Ricardo Ma. D. Nolasco at Dr. J. Stephen Quakenbush.
Nagkaroon ng maiksing programa sa pagkakaloob ng sertipiko sa huling araw kung saan nagbigay ng mahalagang mensahe ang mga nagsidalo at tagapagtaguyod ng nabanggit na proyekto. Ayon kay Dr. Quakenbush, ang aktibidad na ito ay makasaysayan. Aniya, matagal na nila itong pinaplano at pinapangarap ni Dr. Nolasco at sa pagkakataong ito, matagumpay na naisakatuparan. Marami sa mga nagsidalo ay nagpahayag ng kagalakan sapagkat higit nilang naunawaan ang konseptong nasa likod ng pagiging multilingguwal ng Pilipinas. Ang ilan ay nagsabing, higit nilang na-appreciate ang kanilang wika at ang pagiging Pilipino. Anila, lumikha ito motibasyon upang pag-aralan ang mga wika sa Pilipinas. Sa pagtatapos, ipinahayag ni Dr. Nolasco ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumuporta upang maging tagumpay ang aktibidad.
Ang proyektong ito ay pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino sa pakikipagtulungan ng Linguistic Society of the Philippines (LSP), Summer Institute of Linguistics (SIL), Unibersidad ng Pilipinas-Departamento ng Lingguwistika at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining.
Seminar-Workshop sa Multilingguwalismo, Idinaos sa Isabela State University
Matagumpay ang idinaos na seminar-workshop sa multilingguwalismo na ginanap sa bulwagan ng Isabela State University noong Marso 18, 2008. Dumalo bilang speaker sina KWF Chair Ricardo Ma. D. Nolasco at Dr. Dianne Dekker ng Summer Institute of Linguistic na kapwa ng nagbigay ng panayam tungkol sa bentahe at kahalagahan ng pagkakaroon ng maraming wika ng Pilipinas. Ipinaliwanag din nila malaking papel na ginagampanan ng “unang wika” o “wikang kinagisnan” bilang midyum ng pagtuturo, gayunin ang mahusay na resulta nito sa pagkatuto ng mga bata. Iniharap din nina Dr. Nolasco at Dr. Dekker ang mga pagsusuri, saliksik at pag-aaral na susuporta dito.
Pinuri naman ng pangulo ng ISU ang layunin ng KWF sa pagbibigay-halaga sa mga wika sa rehiyon. Aniya “…ang wika ay isang pagkakakilalan na hindi maaaring itago maging sino mang Pilipino.” Positibo rin ang naging pagtanggap dito ng mga delegado na binubuo ng consortium ng iba’t ibang samahang pangkultura at pangwika sa buong Rehiyon I.
Ang aktibidad na ito ay ilan sa mga serye ng talakayan at panayam na inilulunsad ng KWF para sa pagdiriwang ng 2008 Pandaigdigang Taon ng mga Wika na itinadhana ng UNESCO. Layunin din ng KWF na magtatag ng isang sentro ng pananaliksik sa wika at kultura sa nabanggit na unibersidad.
Iniharap kahapon ng Kinatawan ng Valenzuela, Atty. Magtanggol Gunigundo I ang Panukalang Batas Blg. 3719 sa Unang Regular na Sesyon sa Mababang Kapulungan ng Ika-14 na Kongreso.
Nilalayon ng panukalang batas na ito ang pagtatatag ng isang programa sa Edukasyong Multilingguwal na magpapataas ng kalidad ng programa sa literasiya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtuturo ng unang wika ng bata hanggang sa ika-anim na baitang.
Ang naturang panukalang batas na pinamagatang "An Act Establishing a Multi-Lingual Education and Literacy Program" ay nagtatakda rin na ang unang wika, Ingles at Filipino ay ituturo bilang magkakahiwalay na asignatura sa antas elementarya.
Itinatakda pa rin sa naturang panukalang batas na ang Ingles at Filipino ang siyang magiging midyum ng pagtuturo sa antas sekundarya at ang unang wika ay gagamitin bilang wikang pantulong.
Samantala, sa antas tersyarya naman ang kasalukuyang patakarang pangwika gaya ng itinatakda ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) ay mananatili.
Naninindigan ang Komisyon sa Wikang Filipino ng opisyal na posisyon sa pagkakaroon ng bagong patakarang pangwika sa ilalim ng Panukalang Batas Blg. 230 (ipinasa ni Kinatawan Luis Villafuerte), Panukalang Batas Blg. 305 (ipinasa ni Kinatawan Eduardo Gullas), panukalang Batas Blg. 446 (ipinasa ni Kinatawan Raul Del Mar) at Panukalang Batas Blg. 1138 (ipinasa ni Kinatawan Lisa Maza).
Batay sa inilahad na posisyon ng Nanunugkulang Tagapangulo Dr. Ricardo Ma. Duran Nolasco, sa pagdinig na ginanap sa Kongreso noong Pebrero 27, 2008, ang mga nabanggit na panukalang batas ay dapat susugan sa paggamit ng unang wika ng mag-aaral mula sa pre-school hanggang Grade VI. Sa ilalim ng panukalang ito, ang Filipino at Ingles ay ituturo bilang hiwalay na mga asignatura. Ang lokal at rehiyunal na wika at panitikan ay maaaring isama bilang hiwalay na modyul sa asignaturang Filipino o kaya hiwalay na asignatura. Ang ganitong pagbabago ay magbibigay sa mag-aaral na ang unang wika ay hindi Filipino o Ingles, ng sapat na panahon upang malinang ang kanilang kognitibo at lingguwistikong kasanayan sa kanilang unang wika. Sa proseso, isang solidong pundasyon ang mabubuo sa pagkatuto ng mga asignaturang ituturo sa Filipino at Ingles. Sa antas Sekondarya, ang mga wikang Filipino at Ingles ang magiging pangunahing wika ng pagtuturo, na ang unang wika at rehiyunal na lingguwa prangka bilang pantulong na midyun o hiwalay na asignatura.
Idinagdag pa ni Dr. Nolasco na sa pamamagitan ng paggamit ng wika na nauunawaan ng mag-aaral ay hindi lamang pinatitibayan ang pagpapahalaga at tradisyong kultural ng bata, bagkus nauuunawaang lubos ang mga aralin habang pinadadali ang pagkatuto ng Filipino at Ingles. Bilang dagdag pa, kapag ang unang wika ang ginamit sa silid aralan, ang kasanayan sa kritikal na pag-iisip na nalilinang ay naililipat sa iba pang mga wika kapag ang mga wikang ito ay ginagamit na ng bata.
Mababanggit dito na sa isinagawang pagdinig, hindi lamang ang KWF ang nagpahayag ng ganitong posisyon. Para sa Multilinggwalismo din ang posisyong ipinahayag ng Summer Institute of Linguistics-Phil., Dr. Dina Ocampo ng UP, NEDA, Nueva Vizcaya State University at iba pang institusyong dumalo sa pagdinig.
Nangibabaw ang panukala sa paggamit ng unang wika sa primarya bilang midyum ng pagtuturo. Ito ay batay sa mga ibinigay na mga panayam/talumpati ng mga inanyayahang mga resource persons mula sa DepEd, KWF, SIL, UP, Ateneo, CHED, Nueva Viscaya State University, Phil Business for Education at iba institusyon. Ang mga nabanggit na panayam ay naglahad na ang usapin sa patakarang pangwika ay dapat na ibatay sa mga naisagawa nang mga pag-aaral sa loob at labas ng bansa at hindi sa anumang mga hakahaka o anekdota. Ang Pilipinas bilang isang multilinggwal na pamayanan ay dapat isaalang-alang bilang isang kalakasan sa halip na kahinaan.
Ang pagdinig na isinagawa sa Kongreso noong Pebrero 27, 2008 ng Committee on Basic Education and Culture at Committee on Higher and Technical Education na pinamunuan ni Kinatawan Del R. De Guzman ay nakatuon sa deliberasyon ng mga sumusunod na panukalang batas na nauukol sa midyum ng pagtuturo:
HB No. 230 – An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools, ni Kinatawan Villafuerte
HB No. 305 – An Act to to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools, ni Kinatawan Gullas
HB No. 446 - An Act to to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools, ni Kinatawan Del Mar
HB No. 1138 – Batas na Nagtatakda ng Filipino bilang Opisyal na Wika ng Pagtuturo sa mga Paaralan, ni Kinatawan Maza.
Naging mabunga ang idinaos na Planning Workshop ng lahat ng Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino na nakabase sa Luzon na ginanap sa National Educators Academy of the Philippines, Lungsod ng Baguio noong Pebrero 18-20, 2008. Sa pagtitipong ito inilahad ang bagong bisyon at misyon ng KWF na naging batayan ng bisyon at misyon ng bawat PSWF. Inilahad din ang mga priyoridad na programa ng KWF lalo na ang mga gawain para sa Pandaigdigang Taon ng mga Wika. Nabuo sa workshop ang mga plano ng mga gawain ng bawat Sentro sa susunod na tatlong taon.
Ang pagtitipong ito ay dinaluhan ng Benguet Satate University para sa PSWF-CAR, Mariano Marcos State University at Pangasinan State University para sa Rehiyon I, Isabela State University para sa Rehiyon II, Tarlac State University para sa Rehiyon III, Palawan State University para sa Rehiyon IV, Bicol University para sa Rehiyon V, at Philippine Normal University para sa NCR.
Ito ang linyang binigkas ni Ms. Gloria Diaz na gumanap bilang isang lola sa pelikulang “SAKAL, SAKALI, SAKLOLO”, opisyal na entri sa 2007 Metro Manila Film Festival (MMFF) ng STAR CINEMA Productions Incorporated.
Ang naturang nakaiinsultong bahagi ng pelikulang ito ay pinalala pa ng pahayag ng ina ng bata na ginampanan ni Miss Judy Ann Santos, sa pagsasabi na Tagalog ang wikang dapat ituro sa bata upang ito’y maging isang tunay na Pilipino, at walang bahagi sa pelikula kasunod ng nasabing linya o dayalogo ang nagpakita na ang naturang insulto ay mali o ang papel na ginampanan upang masabi ang gayong insulto ay nagsisi o umamin ng kanilang kamalian.
Kaugnay nito, hiling ng Bathalad Mindanao Inc., sa pamumuno ni G. Eufemio Flores na humingi nang nakasulat na paumanhin sa lahat ng mga Bisaya dahil sa sugat na idinulot ng gayong insulto, ang STAR CINEMA productions kasama si director Jose Javier Reyes, ang scriptwriter ng pelikula, mga artistang sina Gloria Diaz at Judy Ann Santos, kasama pa rin ang lahat ng tao sa likod ng paggawa, produksiyon at pagpapalabas ng naturang pelikula.
Hanggang ngayon ay sariwa pa ang mahapding sugat ng insultong idinulot sa ating mga Pilipinong doktor ng popular na TV series ng National Broadcasting Corporation (NBC) na “The Desperate Housewives”. Ganito rin ang panggagalaiti na nadama natin ng minsang mabalitaan natin noon na ang salitang Filipina diumano ay binigyan ng kahulugang “katulong” sa isang diksyunaryong Ingles. Sa harap ng ganitong panlalait at pagmemenos ng mga dayuhan sa ating lahi at pagkatao ay agad tayong nagpupuyos sa galit.
Subalit sa isang banda, may ilan sa ating mga kababayan (karaniwan ay mga Tagalog) sinadya man nila o hindi ay nakapagkokomento nang masakit at hindi maganda para sa mga kababayan nilang taga-Bisaya at Mindanaw. Dapat ay matuto tayong lahat (walang eksepsiyon) na maging maingat sa ating mga iniisip at sinasalita upang mapanatili natin ang respeto sa isa’t isa. Ang isang malinaw na halimbawa nito ay ang pelikulang “Sakal, Sakali, Saklolo” ng Star Cinema Productions na idinirihe ni Jose Javier Reyes at tinampukan ng mga aktres na sina Judy Ann Santos at Gloria Diaz.
Narito ang dayalogo ni Miss Gloria Diaz, na gumanap bilang isang lola sa nasabing pelikula habang pinagsasabihan ang yaya ng kaniyang apo “… Ba’t Pinalaki mong Bisaya itong apo ko?” Ang bahaging ito ng pelikula ay pinalubha pa ng pahayag ng ina ng bata na ginampanan naman ni Miss Judy Ann Santos sa pagsasabing Tagalog ang wikang dapat ituro sa bata upang ito’y maging isang tunay na Pilipino.
Nakapagpupuyos sa galit ang ganitong insulto lalo pa nga’t galing sa kapwa Pilipino.
VALENTIN PAILANAN, Jr.
Miagao, Iloilo
Napagkasunduan ng Sangay ng Leksikograpiya ng KWF na gamitin ang diacritic symbol na macron (-) para sa haba (length) ng patinig sa pantig ng salita at ang simbolong paiwa para sa impit na tunog ng mga salitang pasok. Ito ay gagamitin sa inihahandang Filipino Learner’s Dictionary.
Filipino Learners Dictionary Development Workshop.pdf
Binuo ang bagong bisyon at misyon ng Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino – VISAYAS sa idinaos na Planning Workshop noong Enero 28-30, 2008 sa Sylvia Manor Hotel, Lungsod ng Bacolod. Ang workshop na ito ay dinaluhan ng mga direktor at miyembro ng tatlong PSWF sa Rehiyon VI, VII, at VIII na nakabase sa West Visayas State University, Lungsod ng Iloilo; Cebu Normal University, Lungsod ng Cebu at University of Eastern Philippines, Catarman, Samar. May kalahok ding dumalo mula sa Leyte Normal University, Northern Iloilo Polytechnic State College, Samar State University, Carlos Hilado Memorial State College at DepEd Rehiyon VI.
Sa pagtitipong ito nagbigay ng panayam sina, Dr. Ricardo Nolasco, Nanunungkulang Tagapangulo, KWF; Dr. Fe A. Hidalgo, Part-time na Komisyoner, KWF; at Kom. Carmen Padilla, UNESCO.
Misyon_Bisyon_PSWF_Visayas.pdf
Iniharap ng Summer Institute of Linguistics (SIL) sa Komisyon sa Wikang Filipino ang proyektong First Language Component (FLC). Noong Enero 10, 2008, si Chairman Ricardo Ma. Duran Nolasco, Dr. Sheilee Boras-Vega at Bb. Rosie Martinez ay inilibot at nagmasid sa isinagawang mga pakitang-turo sa mga paaralang kasali sa proyektong ito sa bayan ng Lubuagan tulad ng Lubuagan Central School, Uma Elementary School at Mabilong Elementary School.
Sa programang FLC, ang mga mag-aaral sa una hanggang ikatlong baitang ay tinuturuan sa pamamagitan ng kanilang unang wika (Lilubuagen), o ang kanilang unang wika ang midyum ng pagtuturo sa lahat ng asignatura. Ang Ingles at Filipino ay itinuturo din bilang isang asignatura.
Iniharap din ni Dr. Stephen Walter ang ulat sa 2006-2007 Multigrade Assessment ng kinalabasan sa Lubuagan. Batay sa kinalabasan ng pag-aaral, sa unang dalawang baitang, halos 50 porsiyento ng mga mag-aaral ang nag-iskor ng higit sa 50 porsiyento sa test na kinuha. Bagamat hindi ito ang inaasahan para sa criterion-referenced test, gayundin hindi ito nagpapakita na relatibong katanggap-tanggap na performance sa kabuuan. Subalit, sa test sa ikatlong baiting, 23.3 porsiyento lamang ng mga batang kumuha ng test ang nakakuha ng 50 porsiyento o higit pa at 6.7 porsiyento ang nakakuha ng 70 porsiyento o higit pa (lahat ng mga kumuha ng test ay mula sa pangkat experimental). Ang resultang ito ay umaayon sa pangkalahatang teorya tungkol sa edukasyon sa pamamagitan ng unang wika. Gayunpaman hindi nito lubusang natutugunan ang mga kahinaan ng sistema ng edukasyon sa Lubuagan. Ang epektibong edukasyon ay mabigat na gawain at nangangailangan ng malaking pangako at dedikasyon mula sa mga kinauukulan – mga administrador, mga guro, magulang, mga mag-aaral at pamayanan.
Page Information
|
Wiki Information |
Recent PBwiki Blog Posts |